Photo courtesy: Bulls Palomo
Ni Rodolfo Idusora
Bumagsak ang isang malaking punongkahoy sa isang bahay sa Lungsod ng Puerto Princesa nitong Huwebes, Hulyo 9, sa gitna nang nararanasang masamang panahon.
Ayon sa paunang ulat, bumigay ang puno dahil sa pag-iral ng malakas na hangin at patuloy na pag-ulan na dulot ng bagyong Inday na lalo pang pinalalakas ng southwest monsoon o hanging Habagat.
Bumagsak ang puno sa bubong ng isang bahay at nagdulot ng pinsala sa bahagi ng istruktura. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) matapos matanggap ang ulat.
Tiniyak ng mga responder na ligtas ang paligid habang isinasagawa ang clearing operation. Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi.
Patuloy ring sinuri ng mga awtoridad ang kalagayan ng bahay upang matiyak na ligtas na itong balikan ng mga nakatira rito.
Pinayuhan ng CDRRMO ang publiko na manatiling alerto habang nagpapatuloy ang epekto ng masamang panahon. Inabisuhan ang mga residente na iwasan ang pananatili sa ilalim ng malalaking puno, malapit sa mga poste ng kuryente, at iba pang lugar na maaaring maging peligroso kapag may malalakas na hangin at tuluy-tuloy na pag-ulan.
Hinikayat din ang mga barangay na agad ipagbigay-alam sa mga kinauukulang ahensya ang anumang insidenteng may kaugnayan sa pagbagsak ng puno, pagguho ng lupa, pagbaha, o iba pang panganib upang agad na makaresponde ang mga awtoridad.
Samantala, patuloy na binabantayan ng mga lokal na ahensya ang lagay ng panahon at nananawagan sa publiko na sumunod sa mga abiso at babala ng CDRRMO at iba pang kinauukulang ahensya.
Pinapayuhan din ang mga residente na maging handa at umiwas sa hindi kinakailangang paglabas ng bahay habang patuloy na nararanasan ang epekto ng bagyong Inday at hanging Habagat.