Photo Courtesy: PPCWD
Ni Ferds Cuario
Nanawagan ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD) sa lahat ng residente na mag-ipon ng sapat na suplay ng tubig bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday.
Bagaman hindi inaasahang direktang tatama sa Pilipinas ang bagyo, maaari nitong palakasin ang habagat na magdadala ng malalakas na pag-ulan at hangin sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Palawan.
Ayon sa PPCWD, posibleng maapektuhan ang operasyon ng water district kapag bumaha ang mga surface water sources dahil maaaring lumabo at madumihan ang pinagkukunan ng tubig. Maaari rin umanong magkaroon ng pagkaantala sa suplay kung masisira ang mga pasilidad at kagamitang ginagamit sa paghahatid ng serbisyo.
Sinabi ng water provider na nakahanda na ang kanilang mga tauhan para tugunan ang anumang magiging epekto ng masamang panahon sa lungsod.
Bilang pag-iingat, hinihikayat ng water district ang lahat ng residente sa mga urban at rural barangay ng Puerto Princesa na mag-imbak ng sapat na tubig para sa pag-inom at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan upang hindi mahirapan sakaling magkaroon ng pansamantalang pagkaantala sa serbisyo habang nananalasa ang masamang panahon.