Ni Samuel Macmac
Babala: Sensitibo ang paksa at larawan. Naglalaman ng pagkamatay. Maging disente sa pagkomento.
REGIONAL NEWS. Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang narekober naman ang mataas na kalibreng baril at iba pang gamit pandigma matapos makasagupa ang puwersa ng mga awtoridad nitong Hulyo 9.
Sa bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro, naganap ang engkwentro, kung saan narekober ng 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade ang isang mataas na kalibreng baril, war material, at mga personal na gamit na iniwan ng mga tumakas na kasamahan ng napatay na rebelde.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Infantry (Always First) Battalion, 68th Infantry (Kagapay) Battalion, at 5th Scout Ranger Battalion matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa lugar.
Patuloy naman ang pursuit operations laban sa natitirang mga rebelde, kabilang ang isa na sugatan sa sagupaan. Bago ang engkwentro, narekober din ng mga tropa ng pamahalaan ang isang armas ng cache sa Brgy. Benli, Bulalacao, Oriental Mindoro. Kabilang sa nakuhang armas ang isang M16 rifle, isang homemade shotgun, at dalawang improvised explosive device (IED).
Samantala, binigyang-diin ni Brigadier General Melenio Ragudo, Commander ng 203rd Brigade, ang kahalagahan ng patuloy na suporta ng mga mamamayan upang masugpo ang presensya ng mga teroristang grupo sa Mindoro.