Photo courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Naaresto ang isang lalaki habang nakatakas ang kanyang kasama matapos ang umano’y road rage at habulan sa Barangay San Miguel hanggang sa Barangay San Manuel, sa Puerto Princesa, nitong madaling araw ng Sabado, madaling araw ng Hulyo 11.
Batay sa incident report ng Anti-Crime Task Force, bandang 2:50 ng madaling araw naganap ang insidente. Itinuro ng mga saksi at babaeng sangkot ang dalawang kalalakihan na mabilis na tumatakas sakay ng kulay gray at black na Honda Click motorcycle.
Sinubukan silang pahintuin ng mga rumespondeng tauhan ng Anti-Crime Task Force ngunit sa halip ay lalo nilang pinabilis ang takbo ng motorsiklo habang tinatakpan ang kanilang mga mukha.
Nagkaroon ng habulan hanggang sa Barangay San Manuel kung saan pumasok ang mga suspek sa isang eskinita patungo sa isang compound. Doon naabutan ang isa sa kanila na kinilalang si alyas “Russel”, nasa hustong gulang, at residente ng Narra, Palawan.
Narekober sa kaniya ang motorsiklong ginamit sa pagtakas. Ang kanyang kasamang si Justine ay nakatakas matapos makapasok sa loob ng compound.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na sina Russel at Justine ay umano’y nanuntok ng isang lalaki matapos ang insidente ng pag-atras ng pick-up. Ayon sa nakuhang impormasyon, binugbog umano nila ang driver ng sasakyan na kinilala sa alyas na Mark at hinampas pa ng helmet ang babaeng kasama nito.
Matapos ang insidente, dinala ng mga awtoridad ang suspek sa Police Station 1 (Mendoza) para sa karagdagang imbestigasyon. Naroon na rin ang drayber ng pick-up at ang babaeng kasama nito upang magbigay ng kanilang mga salaysay. Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek na si Justine habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.