Photo courtesy: Barangay Irawan Facebook page
Ni Ulat ni Rodolfo Idusora
Naglabas ng abiso ang Pamahalaang Barangay ng Irawan, Puerti Princesa City, makaraang makaranas ng malalakas na hangin at ulan dulot ng masamang panahon nitong Biyernes, Hulyo 10.
Batay sa Facebook post ng barangay, may mga punongkahoy at malalaking sanga ang natumba’t nabali sa kahabaan ng mga kalsada sa Zone 13. Nagsagawa na ng clearing operations ang mga kinauukulan upang alisin ang mga nakaharang at maibalik sa normal ang daloy ng trapiko at pagdaan ng mga residente.
Pinayuhan ng barangay local government unit (BLGU) ang kanilang mga residente na maging maingat habang nagpatutuloy ang masamang panahon. Hinihikayat ang lahat na manatili muna sa loob ng kanilang mga bahay hangga’t maaari upang makaiwas sa anumang panganib na dulot ng malakas na hangin, tuluy-tuloy na pag-ulan, at posibleng pagbagsak ng mga puno o sanga.
Pinaalalahanan din ang mga residente na maghanda ng emergency kit na may sapat na pagkain, inuming tubig, flashlight, baterya, at mga kinakailangang gamot. Mahalaga rin na bantayan ang mga opisyal na anunsyo ng barangay at mga awtoridad para sa mga susunod na abiso tungkol sa lagay ng panahon.
Dagdag dito, pinayuhan din ang mga motorista at mga naglalakad na umiwas sa mga kalsadang may nakaharang na puno o sanga at huwag ipilit ang pagbiyahe kung hindi naman kinakailangan. Mas ligtas na hintayin munang matapos ang clearing operations at humupa ang masamang panahon bago bumiyahe.
Samantala, bukas ang emergency hotline ng Barangay Irawan sa numerong 0993-050-7984 para sa mga nangangailangan ng agarang tulong o nais mag-ulat ng mga insidenteng may kaugnayan sa bagyo.
Patuloy namang mino-monitor ng Pamahalaang Barangay Irawan ang sitwasyon at nakahanda ang kanilang mga tauhan na tumugon sa anumang emergency habang nararanasan ang epekto ng bagyo sa lugar.