Photo courtesy: DOST-PAGASA
Ni Clea Faye G. Cahayag
Patuloy na pinalalakas ng bagyong Inday ang Southwest Monsoon o Habagat na nagdudulot ng malawakang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay Weather Specialist Leanne Loreto, hinihila ng bagyo ang Habagat patungong lalawigan ng Palawan, Visayas, at Mindanao.
Inaasahan ang makulimlim na panahon, mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa rehiyon ng Mimaropa, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Lanao del Norte, Sultan Kudarat, South Cotabato at Saranggani.
“’Yung mga pag-ulan na ito ay maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa,” paalala nito sa publiko.
Aniya, sa nakalipas na anim na oras ay lalo pang humina ang Bagyong Inday at nasa typhoon category na lamang ito.
Huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 925 kilometro sa silangan ng Northern Luzon.
Bagaman humina na ito, sinabi ni Loreto na nananatili pa rin ang lakas ng bagyo na may lawak na 1,700 kilometro kaya inaaasahang mananatili ang mga itataas na wind signal sa mga susunod na araw.
“Kung mapapansin natin marami pa rin ang naaapektuhan nitong wind field at mga rainband nitong bagyong Inday dahil nga po malawak ang sakop ng bagyo,” dagdag pa ni Loreto.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 215 kilometers per hour.
Sa kasalukuyan, ito ay kumikilos sa direksyong West, Northwestward sa bilis na 20 kilometers per hour.
Batay sa pinakahuling track at intensity forecast ng Department of Science and Technology, Philippine Atmospheric, Geophysical Astronomical and Services Administration (DOST-PAGASA) hindi inaasahang maglandfall ang bagyong Inday sa anumang bahagi ng bansa habang binabaybay nito ang North Philippine Sea.
Inaasahang patuloy pa itong hihina ngunit mananatili pa rin ang “typhoon strength” nito habang palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado, Hulyo 11.