Photo:
Repetek News
Ni Rodolfo Idusora
Tinalakay ng Sangguniang Panlungsod sa ika-49 na Regular na Sesyon noong nakalipas na Lunes, Hulyo 6, ang planong pagtatayo ng Gasification Facility sa sanitary landfill sa Barangay Santa Lourdes, Lungsod ng Puerto Princesa.
Pinangunahan ni City Vice Mayor Jimbo Maristela bilang presiding officer ang nasabing pagdinig.
Sa nakuhang detalye ng
Repetek News
, may kabuuang 94 milyong piso ang inilaang pondo para sa nasabing proyekto, na popondondahan sa ilalim ng panukalang Second Supplemental Budget ng Calendar Year 2026. Ang nasabing second supplemental budget ay mayroong pondo na mahigit 411 milyong piso.Nilalayon ng proyekto na matugunan ang kakulangan ng pasilidad para sa pagtatapon at pagproseso ng hazardous at hospital waste. Sa kasalukuyan, wala pang Hazardous and Hospital Waste Facility sa Puerto Princesa kaya nahihirapan ang mga ospital sa wastong pamamahala ng kanilang medical waste.
Bukod sa Gasification Facility, kabilang din sa mga pangunahing proyektong popondohan ng panukalang supplemental budget ang paglalagay ng 800-kilowatt Hybrid On Grid-Off Grid Solar Photovoltaic Power System para sa buong City Hall Complex.
Ang proyekto ay may halagang P105 milyon at inaasahang makatutulong sa suplay ng kuryente at sa pagbawas ng konsumo sa enerhiya ng mga tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Kasama rin sa panukala ang Construction of Drainage System mula Matahimik Road hanggang Purok Buhanginan Phase 2 sa Barangay San Manuel na may pondong P110 milyon. Layunin nitong mapabuti ang daloy ng tubig sa lugar at makatulong sa pagresolba ng mga problema sa pagbaha.
Ang Gasification Facility, solar power system, at drainage project ang tatlo sa pinakamalalaking proyektong nakapaloob sa panukalang Second Supplemental Budget ng Puerto Princesa para sa 2026. Patuloy na dadaan sa proseso ng pag-apruba ng Sangguniang Panlungsod ang panukalang pondo bago ito tuluyang maipatupad.