Ni Marie Fulgarinas
Babala: Sensitibo ang paksa. Naglalaman ng pagkamatay. Maging disente sa pagkomento.
Nasawi ang isang pedestrian habang tumatawid sa kahabaan ng Sicsican National Highway sa Lungsod ng Puerto Princesa nitong gabi ng Sabado, Hulyo 11.
Kinilala ang biktima na si Ginoong Ariel Buena, 49-anyos.
Ayon sa anak ng biktima, nabangga ang kaniyang ama habang tumatawid. Tumakas din aniya ang suspek sa krimen.
Isang puting van ang itinuturong nakabangga sa biktima na dead-on-the-spot, ayon sa ulat.
“[Humihingi po ako ng tulong sa lahat po ng establishment along [S]icsican highway going south, na pa-review po sana mga CCTV n’yo ng July 11, 2026, between 9pm – 10:33pm. Na-hit-and-run po kasi ‘yung papa ko],” pahayag ng anak ni Buena.
Aniya pa, hindi umano huminto ang suspek saka tuluyang tumakas sa pangyayari.
“[Shuttle po ang nakabangga at may kasunurang isang shuttle; sa unahang tulay po ng Sicsican nangyari. Pa-send na lang po ng copy ng video. Maraming salamat po!], panawagan pa nito.
Kasalukuyan na ring ikinakasa ng City Police Office ang imbestigasyon at manhunt operation para sa pagkakahuli ng suspek.