Repetek news
Ni Ferds Cuario
Nitong Sabado ng gabi, Hulyo 11, binuksan ang “Barakalan sa Gabi”, ang pinakabagong food market sa Puerto Princesa Baywalk na naglalayong suportahan ang mga lokal na negosyante at magbigay ng panibagong pasyalan para sa mga residente at turista.
Matatagpuan ang Barakalan sa bahagi ng Fish Port, sa likod ng Water Reclamation Center, kung saan tampok ang iba’t ibang booth na nagbebenta ng lokal na pagkain, street food, meryenda, inumin at iba pang produktong gawa ng mga Palaweño.
Ang proyekto ay inisyatibo ng Small Medium Enterprises Development Council (SMEDC) sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), mga lokal na pamantasan at iba pang katuwang na ahensya.
Ayon sa mga organizer, bukas ang Barakalan sa Gabi araw-araw mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.
Nakatakda naman ang opisyal na grand opening sa Hulyo 17, habang inaasahang mananatiling bukas ang food market hanggang buwan ng Disyembre.
Inaasahang magiging bagong tambayan at food destination ang Barakalan sa Gabi, bukod sa pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga maliliit na negosyante at lokal na food entrepreneurs sa lungsod.