Photo:
Repetek News
Ni Samuel Macmac
Sabay-sabay na nanumpa ang mahigit 1,240 bagong Licensed Professional Teachers (LPTs) sa Palawan Provincial Capitol bilang dagdag puwersa sa edukasyon sa bansa.
Pinangunahan ni Vice Chairperson Paz I. Lucido ng Professional Regulatory Board for Professional Teachers, ang seremonya ng paunumpa ng mga bagong guro, kamakailan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Paz ang kahalagahan ng elementarya at sekundarya sa nation-building, at lumalaking papel ng Early Childhood Education sa pagtugon sa pangangailangan ng mga batang mag-aaral sa Palawan.
Kabilang sa mga nagbigay-inspirasyon si Paraluman P. Giron, miyembro ng Professional Regulation Commission (PRC), na nagpaalaala sa mga guro na panatilihin ang integrigad, propesyonalismo, at dedikasyon sa pagtuturo. Aniya, ang bawat guro ay huwaran at gabay sa paghubog ng isip at asal ng kabataan.
Bukod sa panunumpa, kinilala rin ang mga natatanging nagtagumpay mula sa Palawan State University (PalSU) sa March 2026 LEPT. Kabilang dito sina Leah O. Godoy (5th placer, Elementary), Javie G. Alcansado (8th placer, Elementary), at sina Daniel Edison B. Gollaba at Emmanuel S. Redon (parehong 9th placer, Secondary).
Sa buong bansa, umabot sa 18, 376 ang pumasa mula sa 32, 796 examinees sa Elementary level o katumbas ng 56.03 porsyentong passing rate, habang nasa 45, 001 ang nakapasa mula sa 61, 561 examinees sa Secondary level o katumbas ng 73.10 porsyentong passing rate.
Batay sa ulat, nasa 15, 670 elementary passers ang first-time takers, habang 2, 706 naman ang repeaters. Samantala, nasa 39, 446 secondary passers ang first-time takers, habang 5, 555 naman ang repeaters.