Ni Ferds Cuario
Makararanas ng total power shutdown ang buong bayan ng Cuyo simula alas-12:00 ng tanghali ngayong Miyerkules, Hulyo 15, bunsod ng pansamantalang paghinto ng operasyon ng Cuyo Diesel Power Plant (DPP) dahil sa kakulangan ng suplay ng fuel, ayon sa National Power Corporation (NAPOCOR).
Ayon sa public advisory ng Municipal Government ng Cuyo, mananatiling walang suplay ng kuryente ang buong munisipyo hanggang sa maihatid ang kinakailangang fuel at maibalik sa normal ang operasyon ng planta.
Dahil dito, pinapayuhan ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan, mga national government agencies, barangay, negosyo, at mga residente na magsagawa ng kinakailangang paghahanda at contingency measures upang mabawasan ang epekto ng pagkawala ng kuryente at matiyak ang pagpapatuloy ng mahahalagang serbisyo kung posible.
Nanawagan din ang lokal na pamahalaan ng Cuyo sa publiko na magpakita ng pang-unawa, pasensya, at kooperasyon habang isinasagawa ng NAPOCOR at iba pang kinauukulang ahensya ang agarang pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente sa buong bayan.
Sa ngayon, wala pang itinakdang oras kung kailan tuluyang maibabalik ang normal na serbisyo ng kuryente dahil nakadepende ito sa pagdating ng fuel at sa muling pagpapatakbo ng Cuyo Diesel Power Plant.