Photo Courtesy: PCSDS
Ni Samuel Macmac
Naaresto ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ang tatlong indibidwal matapos mahuling gumagamit ng dalawang chainsaw na walang kaukulang permit.
Sa Barangay Manlag, El Nido, nitong Hulyo 14, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng Wildlife Enforcement Officers-North, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan- Peace and Security Custer, kung saan naaktuhan ang mga suspek habang pinuputol at hinihiwa ang mga punong kahoy na Falcata at Apitong.
Sa imbestigasyon ng PCSDS, napatunayang hindi rehistrado ang chainsaw ng mga nasabing indibidwal, na malinaw na paglabag sa Republic Act 9175 o Chainsaw Act.
Bukod dito, lumalabag din ang pagputol ng mga puno sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines. Agad na kinumpiska ng mga awtoridad ang mga chainsaw at nag-isyu ng Seizure Receipts.
Dinala sa barangay hall ng naturang lugar ang mga nahuling indibidwal kasama ang mga nakumpiskang kagamitan para sa wastong dokumentasyon at blotter recording.
Samantala, muling nagpaalala ang nasabing ahensya na ang paggamit, pagmamay-ari, at pagdadala ng chainsaw ay nangangailangan ng kaukulang permit at rehistro.