Photo courtesy: Marlon Tamsi
Ni Ferds Cuario
Paiimbestigahan sa Senado ni Senador Erwin Tulfo ang pag-apruba sa pagputol at paglilipat ng mahigit 1.6 milyong puno at iba pang halaman sa kagubatan ng Palawan kaugnay ng mga operasyon ng pagmimina.
Ayon kay Tulfo, batay sa datos ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), pinayagan ang malawakang pagputol ng mga puno at earth-balling sa ilalim ng mga Special Tree Cutting and Earth-Balling Permits. Ang bilang na ito ay mahigit anim na beses na mas mataas kaysa sa naunang naiulat na 218,000 puno.
Dahil dito, inihayag ng senador na magsasagawa ang Senado ng inquiry in aid of legislation upang alamin kung nasunod ang mga umiiral na batas at regulasyon sa pagbibigay ng naturang mga permit.
”May nalabag nga ba sa pag-aprubang ito?” tanong ni Tulfo. Aniya, layunin ng imbestigasyon na matukoy kung may pananagutan ang mga kinauukulang ahensya at kung sapat ang mga isinagawang hakbang upang maprotektahan ang kalikasan.
Matindi rin ang naging pagtutol ng iba’t ibang environmental groups, kabilang ang Environmental Legal Assistance Center (ELAC) at Save Palawan Movement. Ayon sa mga ito, ang malawakang pagputol ng mga puno sa Palawan na kinikilalang isa sa pinakamahalagang biodiversity at biosphere reserves sa bansa ay maaaring magdulot ng malaking pinsala sa kagubatan, watershed areas, wildlife, at kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa likas na yaman.
Sa inaasahang pagdinig sa Senado, kabilang sa mga pangunahing tatalakayin ang aktuwal na bilang ng mga punong maaapektuhan, ang lokasyon ng mga minahan, ang proseso ng pag-isyu ng environmental permits, ang epekto ng pagmimina sa mga katutubo at lokal na komunidad, at ang posibilidad ng paglabag sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995 at iba pang batas pangkalikasan.
Binigyang-diin ni Tulfo na mahalagang matiyak na ang anumang proyektong pangkaunlaran ay hindi isinasakripisyo ang kalikasan at kapakanan ng mga susunod na henerasyon.