Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Walong katao ang sugatan sa nangyaring salpukan ng isang pampasaherong bus at truck sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Dumarao, nabanggit na bayan, nitong Hulyo 18.
Nagtamo ng minor injuries ang mga biktima na mabilis namang binigyan ng paunang lunas ng mga rumespondeng tauhan ng Municipal Risk Reduction and Management. Ayon sa ulat, nagtamo ng gasgas at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima. Ligtas naman ang tsuper ng bus na walang tinamong sugat.
Sinabi ng mga kapulisan ng Roxas, Palawan, na tumakasbang drayber ng truck matapos ang insidente.
Sa paunang imbestigasyon ng Roxas Municipal Police Station (MPS), minamaneho ni alyas Jay, 42-anyos, residente ng Barangay San Miguel, Roxas, ang nasabing bus galing ng Lungsod ng Puerto Princesa at patungong Taytay, Palawan. Mula naman sa kabilang direksyon, paparating na asul at puting diesel truck na minamaneho ni James, 30-anyos, residente ng lungsod ng Puerto Princesa.
Habang binabaybay ang highway, mabilis ang takbo ng truck kahit basa at madulas ang kalsada dahil sa malakas na ulan. Nag-skid ang hulihang gulong ng truck at bahagyang sumakop sa linya ng bus, dahilan ng kanilang salpukan.
Iniulat ng pulisya na parehong nagkaroon ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala ang dalawang sasakyan: sa unahang kaliwa ang bus at sa hulihang kaliwa ng truck.