Repetek File Photo
Ni Albert Villamor Jr.
Sa Agosto, maaring asahan ng mga kwalipikadong mga Palaweño na apektado ng krisis ang 10 kilong bigas na ipapamahagi sa kanila ng gobyerno.
Ayon kay Board Member Juan Antonio Alvarez, nire-repack na ang mga bigas na una nang pinondohan ng pamahalaang nasyunal.
“Ongoing na actually iyong repacking. Sabi nga kanina ni Board Jun [Rafael] Ortega, ang naging pampatagal dito ay iyong pag-order nung lalagyan kasi ni-repack ‘to as per 10 kilos. Alam natin na ang bigas natin ay 25 kilos per sack,” sabi niya sa panayam ng Midya noong Hulyo 14.
“Pero iyong unang pondo ni President Marcos, matagal na po nating na-procure iyon. The repacking is what is making it, in delaying the distribution. But we are looking as early as August. Sana matapos natin [sa] August at maka-distribute na tayo. Matagal nang inaantay ng mga kababayan,” dagdag pa niya.
Dahil kulang ang ₱146 milyon na pondo mula sa nasyunal na gobyerno para maging sapat sa mahigit-kumulang 300,000 na mga Palaweño, nagpasya si Palawan Gov. Amy R. Alvarez na maglaan mula sa Supplemental Annual Budget For Fiscal Year 2026 ng ₱ 57 na milyon na dagdag para rito bilang “counterpart” sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Nagpasya po ang ating mahal na governor na ayaw talaga niya na kung mamimigay man tayo ng bigas, ayaw niya ng hindi mabibigyan ang lahat,” sabi rin ni Board Member Alvarez.
“Nag-download na po sa atin si President Marcos ng ₱146 milyon kung hindi ako nagkakamali for the distribution of 10-kilo rice sa mga affected natin na mga kababayan, pero upon checking the data from the PSWDO (Provincial Social Welfare and Development Office), kung ₱146 Milyon lang po ang bibilhin nating bigas, mayroong families na hindi makakatanggap dahil kulang po iyon,” ayon din kay Board member Alvarez.
Mayroong mahigit-kumulang 300,000 na mga Palaweño ang mabibigyan ng libreng bigas, base sa datos ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), pero outdated na raw ang datos na ito ayon kay Board Member Alvarez.