Repetek File Photo
Ni Rodolfo Idusora
Natagpuang wala nang buhay ang isang lalaki sa Purok Masigla, Barangay Tagburos, Lungsod ng Puerto Princesa, bandang alas-11:00 ng umaga nitong Martes, Hulyo 21.
Kinilala ang biktima na si Patrick Manlapas, residente ng naturang barangay. Ayon sa mga paunang impormasyon na nakalap ng
Repetek News
, may asawa at mga anak ang biktima.Sa naging kumpirmasyon ni Tagburos Punong Barangay Roberto Tero, sinabi nitong kamag-anak ng biktima ang unang nakakita sa kanya.
Natagpuan umano ang lalaki sa isang lugar na malapit sa kanyang nakaparadang motorsiklo.
Ayon pa sa barangay, iniulat ng pamilya na nawawala na ang biktima mula pa noong Lunes matapos itong umalis ng kanilang bahay at hindi na nakabalik. Dahil dito, nagsagawa ng paghahanap ang kanyang mga kaanak hanggang sa matagpuan siya kinabukasan.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng pamilya, may iniindang epilepsy ang biktima. Gayunman, hindi pa ito itinuturing na dahilan ng kanyang pagkamatay dahil hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga kinauukulang awtoridad upang magsagawa ng imbestigasyon at dokumentasyon. Sinuri rin ang lugar kung saan natagpuan ang biktima bilang bahagi ng kanilang standard procedure.
Isasailalim sa autopsy ang bangkay upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay. Layunin din nitong malaman kung may iba pang salik na maaaring nagdulot ng kanyang pagkasawi at upang matiyak na walang naganap na foul play.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pinal na ulat ang mga awtoridad hinggil sa insidente.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad habang hinihintay ang resulta ng post-mortem examination.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga opisyal ng barangay sa naiwang pamilya ng biktima. Hinikayat din ang publiko na hintayin ang opisyal na resulta ng imbestigasyon at iwasan ang pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon tungkol sa insidente.