PUERTO PRINCESAN CHESS PLAYER, NAT’L CHESS MASTER
Photo:
Repetek News
Ni Rodolfo Idusora
Pinarangalan ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ang 12-anyos na si Carmelo Yanong ng Barangay San Manuel bilang pagkilala sa kanyang pagkamit ng titulong National Chess Master.
Sa regular na sesyon ng konseho, kinilala ng mga konsehal ang tagumpay ni Yanong na itinuturing na malaking karangalan hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi para rin sa buong lungsod. Nakuha niya ang nasabing titulo dahil sa kanyang ipinakitang husay, dedikasyon at tuloy-tuloy na paglahok sa mga kompetisyon sa chess.
Ayon sa mga opisyal ng lungsod, matagal nang walang manlalaro mula sa Puerto Princesa na nakakuha ng katulad na titulo. Huling nagkaroon ng National Chess Master ang lungsod noong 1995 kaya makalipas ang 31 taon ay muling nagkaroon ng kinatawan na umabot sa ganitong antas.
Sa susunod na buwan, sasabak si Yanong sa isang international chess competition na gaganapin sa Singapore. Kapag naging maganda ang kanyang resulta sa torneo, maaari itong maging hakbang upang makamit niya ang mas mataas na titulo bilang Federation Master o International Chess Master.
Nagpahayag naman ng suporta ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa batang chess player. Hinikayat nila ang komunidad na ipagpatuloy ang pagsuporta sa mga kabataang atleta na nagbibigay ng karangalan sa Puerto Princesa sa mga pambansa at pandaigdigang kompetisyon.
Nagbigay rin ng tulong pinansyal ang ilang konsehal upang makatulong sa gastusin ng kanyang paglahok sa torneo sa Singapore. Pinangunahan ni Councilor Epitacio “Jie” Lao Jr. ang pagbibigay ng P30,000, na gagamitin ng pamilya ni Yanong para sa kanilang biyahe at iba pang pangangailangan habang isinasagawa ang kompetisyon.
Umaasa ang mga opisyal ng lungsod na magpapatuloy ang tagumpay ni Yanong at muli niyang maipagmamalaki ang Puerto Princesa at ang Pilipinas sa international chess tournament.