Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Ferds Cuario
Pinalawak ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang kaalaman ng mga lokal na mamamahayag sa tamang pagbabalita sa panahon ng kalamidad matapos nitong magsagawa ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Orientation for Local Media Practitioners sa AKC Country Homes, Barangay San Manuel, Puerto Princesa City, noong Hulyo 21.
Layunin ng orientation na palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng pamahalaang panlungsod, lokal na media at iba pang stakeholders upang matiyak ang mabilis, tama at napapanahong paghahatid ng impormasyon sa publiko ng mga kalamidad at iba pang emergency.
Tinalakay sa pagsasanay ang Philippine DRRM System at Emergency Operations Center sa pangunguna ni Local DRRM Officer Earl H. Timbancaya. Ibinahagi naman ni DOST-PAGASA Chief Meteorological Officer Sonny N. Pajarilla ang tamang pag-unawa sa weather forecasts, warnings at advisories upang maging epektibo ang disaster communication.
Ipinaliwanag din ni DepEd Puerto Princesa DRRM Focal Person Jonah Roger Amores ang DepEd Guidelines na may kinalaman sa pag suspend ng klase, habang tinalakay ni City Information Officer Atty. Glaiza Vicente-Moncatar ang kahalagahan ng crisis communication.
Dumalo rin si Acting City DILG Director Dennis S. Beltran, sa kanyang mensahe, mahalagang magkaisa ang pamahalaan at media upang matiyak na ang impormasyong nakararating sa publiko ay sapat, tama at mapagkakatiwalaan lalo na sa panahon ng sakuna.