Photo Courtesy: Lucilo R. Bayron
Ni Clea G. Cahayag
Dumating sa Lungsod ng Puerto Princesa si Pangulong Ferdinand “Bong-Bong” Marcos Jr. noong Hulyo 23 upang pangunahan ang paglulunsad ng programang “Bawat Bayan Makikinabang.”
Ayon sa pangulo, layunin ng kaniyang pagbisita na tiyaking maayos ang pagpapatupad ng dalawang bagong pangunahing programa ng pamahalaan.
Una, ang Local Government Support Fund o LGSF, ito ay pondo para tulungan ang mga inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng LGSF, magkakaroon ng Rice Support Program upang tiyaking may sapat na pagkain ang bawat pamilya sa pamamagitan ng pamamahagi ng 10 kilo ng bigas nang anim (6) na beses sa isang taon.
“Kung minsan, minsan lang nakain [sa] isang araw, minsan lang kakain sa dalawang araw; hindi nakakasiguro kung saan sila kukuha ng pagkain sa darating na panahon kaya’t yan po ang naging programa sa LGSF,” ayon sa Pangulo.
Ikalawa, ang Socio- Civic Development Program kung saan ang bawat barangay sa buong Pilipinas ay makatatanggap ng ₱200,000.
Hiniling ng Pangulo sa mga opisyales ng barangay na ang kalahati ng pondo ay gamitin para sa scholarship program.
Inatasan ang barangay na pumili ng limang (5) iskolar, ang bawat isa ay makatatanggap ng ₱20,000 bilang pang-agapay sa gastusin sa kanilang pag-aaral.
“At sinabi ko lang sa ating mga barangay officials, mamili kayo ‘yung talagang malapit ng magtapos, ngunit baka mahirapan makapagtapos dahil kulang sa pambayad, kailangan magtrabaho.
Kaya kung ano man, ayun na, magbigay tayo ng tulong para makatiyak naman tayo na bawat barangay sa buong Pilipinas ay meron limang tayo, meron tayong limang na graduate,” paliwanag pa ni PBBM.
Pinayuhan din ng Pangulo ang mga mapipiling iskolar na gamitin nang tama ang tulong pinansyal para sa kanilang pagtatapos, at ipinaalala na ang edukasyon ay isang pambihirang kayamanan na kailanman ay hindi maaagaw ng sinuman.
Samantala, ang natitirang ₱100,000 ay direktang ilalaan sa barangay para sa kani-kanilang pangangailangan sa serbisyong publiko, ilan sa kanila ay bumili ng mga upuan, tent, computer, printer, at iba pang gamit sa tanggapan.
“Yan po ang ating dalawang programa. Kaya talagang sinabi natin na ang “Bawat Bayan ay Makikinabang”.
Lagi ko naman sinasabi na kahit ano ang ginagawa ng national government, kapag hindi kasama ang local government ay mas mahirap magtrabaho, kahit ano pa ang gawin namin sa national at kapagka hindi nakipagugnayan sa local ay hindi rin makikinabang ang taong bayan”, dagdag pa ng Pangulo.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, iginiit ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaisa.
“Magtulungan po tayo, magkaisa po tayo at asahan po ninyo na ang pamahalaan nagmamahal sa inyo, ang pamahalaan ay inaalala kayo, ang inyong pamahalaan ay ginagawa ang lahat upang tulungan kayo upang pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino, upang pagandahin ang Pilipinas”.