Photo Courtesy: Palawan PPO
Ni Samuel Macmac
Naaresto ng mga pulis sa Agutaya, Palawan ang Municipal Top 1 at Provincial Top 6 Most Wanted Person na may kasong Qualified Rape of a Minor matapos isagawa ang operasyon.
Bandang ala-una ng hapon sa Bgy. Bangcal, Agutaya, nahuli si alayas “Lito”, 43-taong gulang, biyudo, karpintero, at residente ng Brgy. Manamoc, Cuyo sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Arlene Bayuga Guillen ng Branch 13, Family Court, Lungsod ng Puerto Princesa.
Nahaharap ang suspek sa kasong Qualified Rape of a Minor sa ilalim ng Article 266-A at 266-B ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 11648. Walang inirekomenda ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Matapos ang pag-aresto, dinala siya sa Agutaya Municipal Police Station para sa dokumentasyon bago iharap sa korte. Samantala, pinuri ni Police Colonel Joel D. Casupanan, Provincial Director ng Palawan PPO, ang mga tauhan sa matagumpay na operasyon kaugnay sa pinaiigting na kampanya laban sa most wanted persons sa lalawigan.
Binigyang-diin ng opisyal na ang pagkakaaresto sa naturang most wanted ay patunay ng pinalalakas na operasyon ng pulisya upang mapanagot sa batas at mapanatili ang katahimikan sa lalawigan.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.