Ni Rodolfo Idusora
Nilinaw ng City Information Department ng Lungsod ng Puerto Princesa na hindi aalisin sa listahan ng mga benepisyaryo ng ₱3,000 Students’ Allowance ang mga estudyanteng hindi agad makakapagbukas ng account sa Land Bank of the Philippines.
Ayon kay City Information Officer Atty. Glaiza Kaye Vicente-Moncatar, ang itinakdang deadline sa pagbubukas ng LandBank account ay bahagi lamang ng unang yugto ng pamamahagi ng financial assistance. Layunin umano ng lungsod na masimulan ang payout sa lalong madaling panahon, ngunit hindi ito nangangahulugang hindi na makakatanggap ng ayuda ang mga mahuhuli sa proseso.
Ipinaliwanag ni Moncatar na ang target ng city government ay maipamahagi ang allowance sa lahat ng kwalipikadong estudyante sa loob ng buwan ng Agosto. Dahil dito, maaari pa ring makumpleto ng mga hindi makakahabol sa unang deadline ang kanilang requirements upang maisama sa mga susunod na payout.
Sinabi rin ng opisyal na LandBank lamang ang gagamitin sa pamamahagi ng allowance dahil ito ang napiling bangko para sa government disbursement. Ang mga mayroon nang umiiral na LandBank account ay hindi na kinakailangang magbukas ng panibagong account.
Para naman sa mga mag-aaral na nakatira sa malalayong lugar o may limitadong internet access, magsasagawa ang LandBank ng mass account opening upang mas mapadali ang proseso ng pagpaparehistro.
Gayunman, nilinaw na may ilang uri ng account na hindi maaaring gamitin sa pagtanggap ng allowance. Kabilang dito ang OFW card, PNP payroll card, at 4Ps cash card.
Upang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga magulang at estudyante, maglalabas ang City Information Department ng opisyal na guidelines at listahan ng requirements sa kanilang Facebook page.
Humingi rin ng pang-unawa si Moncatar sa publiko kaugnay ng ilang kalituhan sa proseso. Aniya, kamakailan lamang natapos ang koordinasyon sa pagitan ng city government at LandBank upang maayos ang sistema ng pamamahagi ng ₱3,000 Students’ Allowance.