Photo courtesy: BFP Puerto Princesa
Ni Rodolfo Idusora
Mabilis na naapula ng mga rumespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa ang nangyaring sunog sa storage building ng City Water District (PPCWD) sa Barangay Sta. Monica nitong madaling araw ng Miyerkules, Hulyo 29.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa, unang napansin ng mga on-duty guard personnel ang makapal na usok na nagmumula sa loob ng bodega. Agad silang humingi ng tulong at iniulat ang insidente sa City Fire upang maagapan ang pagkalat ng apoy.
Natuklasang nasusunog na ang ilang kahon ng mga kemikal na ginagamit ng PPCWD sa proseso ng water treatment. Agad namang naapula ang sunog at hindi na ito kumalat sa iba pang bahagi ng pasilidad.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente. Sa ngayon ay wala ring inilalabas na ulat kung naapektuhan ang operasyon ng water district o ang suplay ng tubig sa lungsod.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection upang matukoy ang eksaktong sanhi at pinagmulan ng sunog. Tinitingnan ng mga imbestigador ang lahat ng posibleng dahilan, kabilang ang electrical fault at iba pa na maaaring nagdulot ng insidente.
Inaalam din ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala sa mga kagamitan at mga kemikal na nasa loob ng storage building. Inaasahang maglalabas ang BFP ng opisyal na ulat matapos makumpleto ang kanilang imbestigasyon.
Samantala, pinuri ang agarang aksyon ng mga duty guard na unang nakapansin sa usok at ang mabilis na pagresponde ng mga bumbero, na nakatulong upang hindi lumaki ang sunog at maiwasan ang mas malaking pinsala sa pasilidad ng Puerto Princesa City Water District.