Photo from BFP Puerto Princesa
Ni Ferds Cuario
Agad na ipinag-utos ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang pagpapalabas ng agarang tulong para sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay San Pedro, kasunod ng insidenteng nagwasak sa 19 na bahay at nakaapekto sa kabuuang 30 pamilya o 100 indibidwal, batay sa pinal na ulat ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Naglaan ang Pamahalaang Panlungsod ng kabuuang ₱231,000 bilang financial assistance. Tumanggap ng ₱10,000 ang bawat pamilyang lubos na nasiraan ng bahay, ₱5,000 ang mga bahagyang naapektuhan, at ₱3,000 ang mga sharers.
Bukod sa ayuda, patuloy ring namahagi ang lokal na pamahalaan ng pagkain at iba pang relief goods upang matulungan ang mga biktima habang nagsisimula silang makabangon mula sa trahedya.
Ayon kay Bayron, nananatiling prayoridad ng Pamahalaang Panlungsod ang agarang pagtugon sa mga mamamayang naaapektuhan ng kalamidad sa pamamagitan ng mabilis na ayuda at sapat na suporta upang makapagsimula silang muli.