Photo from Puerto Princesa City Veterinary Office
Ni Ferds Cuario
Hinikayat ng Puerto Princesa City Veterinary Office ang lahat ng fur parents na samantalahin ang libreng mass sterilization para sa mga babaeng aso at pusa na isinasagawa ngayong Hulyo 27 hanggang 28 bilang bahagi ng MIMAROPA One-Time-Big-Time (OTBT) Rabies Control and Animal Welfare Activity.
Layunin ng programa na mapigilan ang hindi planadong pagdami ng mga aso at pusang gala, mapalakas ang kampanya laban sa rabies, at maisulong ang responsableng pag-aalaga ng mga alagang hayop.
Bago ang pagsisimula ng aktibidad, nagsagawa ng courtesy call kay Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang mga beterinaryo at opisyal na kalahok sa programa. Nagpasalamat ang alkalde sa kanilang pakikipagtulungan sa pagbibigay ng serbisyong makatutulong sa kalusugan ng mga hayop at sa kapakanan ng komunidad.
Ayon sa City Veterinary Office, ang sterilization ay isang ligtas at makataong paraan upang makontrol ang populasyon ng mga aso at pusa. Nakatutulong din ito sa pagbawas ng bilang ng mga hayop na gala at sa pag-iwas sa pagkalat ng rabies at iba pang sakit na maaaring makaapekto sa tao at mga alagang hayop.
Katuwang ng Puerto Princesa City Veterinary Office sa programa ang mga beterinaryo mula sa iba’t ibang tanggapan sa MIMAROPA at iba pang lokal na pamahalaan, kabilang ang Palawan, Marinduque, Oriental Mindoro, Romblon, Calapan City, Victorias City, Coast Guard Field Veterinary Unit–Palawan, at Camp Ricarte Veterinary Service Unit.
Isinasagawa ang libreng mass sterilization at iba pang animal welfare services sa Caltex Gasoline Station, katabi ng KFC Restaurant sa Barangay San Miguel, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.