Ni Clea Faye Cahayag
Pinaigting ng Pamahalaang Panlungsod ang paghahanda para sa muling pakikilahok sa iba’t ibang award categories ng The Manila Times.
Sa isinagawang flag raising ceremony ng city government nitong umaga ng Lunes, Hulyo 27, inanunsyo ni Punong Lungsod Lucilo Rodriguez Bayron na muling nagpadala ng liham ang The Manila Times na nag-aanyaya sa Puerto Princesa na magsumite ng dokumentasyon ng mga programa bilang bahagi ng proseso ng pagkilala sa mga natatanging lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, nagtalaga si Bayron ng mga magsisilbing focal person para sa iba’t ibang kategorya. Ang mga ito ay binigyan ng isang Linggo upang makapagpulong kasama ang kanilang mga miyembro para makabuo ng plano para sa pagsasagawa ng dokumentasyon.
“Nagkaroon tayo ng meeting ng iba’t ibang opisina. Hindi lahat naimbitahan tungkol doon sa sulat ng Manila Times.
Muli, inaalok tayo na magsubmit ng mga documentation natin para ma-recognize ang effort natin dito sa Lungsod ng Puerto Princesa. Maraming categories ‘yun, nag-appoint na ako, nag-designate na ako ng focal person sa bawat category at sabi ko [r]oon sa focal person ikaw na ang bahalang humanap ng magiging miyembro mo at pag-usapan n’yo within one week kung papaano ang direksyon natin d’yan,” pahayag ni Bayron.
Matatandaan, sa ginanap na PH Model Cities and Municipalities Awards 2025 kinilala ang siyudad bilang “Safe Haven” sa buong bansa.
Naniniwala ang Alkalde na may kakayahan ang Puerto Princesa na makamit ang mas marami pang pagkilala dahil maayos ang pagpapatupad ng mga programa nito.
“Sabi ko, palagay ko, mas maayos ang mga programa natin hindi lang natin naisubmit ‘yung maayos na documentation.
Kaya, this time, mag-submit tayo ng maayos na documentation kasi naniniwala ako na kaya nating talunin ang ibang cities at municipalities,” positibong pahayag ng Alkalde.