Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act. / Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Naaresto ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) ang Regional Rank No. 1 Most Wanted Person na may 10 kaso ng Qualified Rape sa Bayan ng Rizal, Palawan.
Sa impormasyong ibinahagi ng PalPPO, matagumpay na nahuli sa ikinasang operasyon ang lalaking wanted nitong Hulyo 25. Kinilala ang suspek sa alyas na “Jef”, 38-taong gulang, may asawa, at residente ng Bgy. Punta Baja, nabanggit na bayan.
Nadakip siya sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Rizal Municipal Police Station (MPS), Regional Intelligence Unit 4B-Palawan Intelligence Team, Palawan Provincial Intelligence Unit, 1st Palawan Provincial Mobile Force Company, at Rizal Maritime Law Enforcement Team.
Batay sa rekord, nahaharap ang akusado sa sampung bilang ng Qualified Rape, kung saan walang itinakdang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Naaresto siya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Panfilo Intud Sala Jr. ng Regional Trial Court Branch 165, Brooke’s Point, Palawan.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Rizal MPS para sa dokumentasyon at kaukulang proseso bago dalhin sa korte. Samantala, binigyang-diin ni Police Colonel Joel D. Casupanan, Provincial Director na patuloy na paiigtingin ang kampanya laban sa mga wanted persons upang mabigyan ng proteksyon ang publiko laban sa mga indibidwal na sangkot sa mabibigat na krimen.