Ni Rodolfo Idusora
Wala munang mangyayaring demolisyon sa Sitio Impapay, Barangay Irawan, Puerto Princesa City, ngayong araw, Huwebes, Hulyo 30, matapos humiling ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)–Palawan ng dialogue at coordination meeting sa City Government.
Ayon kay City Anti-Squatting Office Head Alex Hermoso, bilang paggalang sa kahilingan ng NCIP, ipagpapaliban muna ang nakatakdang demolisyon habang hinihintay ang magiging resulta ng pag-uusap ng magkabilang panig.
Dahil dito, tiniyak ni Hermoso na walang demolition team na pupunta sa lugar ngayong araw.
Matatandaang naglabas kahapon ng Memorandum Order si Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron kaugnay sa nakatakdang demolisyon ng mga kabahayan sa Sitio Impapay.
Tinatayang nasa 30 pamilyang katutubo ang maaapektuhan ng naturang operasyon.
Dahil sa pangamba na matuloy ang demolisyon, halos hindi natulog ang maraming residente noong gabi ng Hulyo 29. Nagbantay sila sa kanilang komunidad upang tiyaking agad nilang malalaman kung may darating na demolition team.
Sa ngayon, pansamantala munang nabawasan ang pangamba ng mga residente matapos kumpirmahin ng City Anti-Squatting Office na wala munang isasagawang demolisyon habang hinihintay ang resulta ng pag-uusap sa pagitan ng NCIP at ng City Government.
Inaasahan na sa dialogue at coordination meeting ay mailalatag ng bawat panig ang kanilang mga posisyon at mga dokumentong may kaugnayan sa usapin. Umaasa rin ang mga residente na magkakaroon ng malinaw na kasunduan bago gumawa ng anumang hakbang tungkol sa lugar.
Samantala, nananatiling nakabantay ang mga apektadong pamilya sa anumang susunod na anunsyo mula sa City Government, NCIP, at iba pang kinauukulang ahensya. Wala pang ibinibigay na bagong petsa kung kailan muling isasaalang-alang ang nakatakdang demolisyon habang hinihintay ang magiging resulta ng dayalogo.