Ni Ferds Cuario
METRO NEWS: Habang patuloy ang pagbubukas ng LANDBANK PISO Plus ATM accounts para sa mga benepisyaryo ng ₱3,000 Student Assistance Program (SAP) ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, marami ring mga magulang at estudyante ang nagpahayag ng reklamo dahil sa hirap ng proseso at mahabang pila sa pagbubukas ng account.
Dahil dito, tinanong ng
Repetek News
ang City Information Office (CIO) kung bakit pinili ng Pamahalaang Panlungsod na idaan sa ATM ang ayuda sa halip na direktang cash payout.Ayon kay City Information Officer Atty. Glaiza Vicente-Moncatar, ilang mahahalagang dahilan ang naging batayan ng lungsod sa pagpapatupad ng sistemang ito.
Una, sinabi niyang tugon ito sa kahilingan ng maraming benepisyaryo mula sa mga nakaraang “Caring Programs” na gawing digital ang pamamahagi ng tulong upang maging mas madali at mas maayos ang pagtanggap ng ayuda.
Ikalawa, mas ligtas at mas maginhawa umano ang ATM system dahil hindi na kailangang magdala at mamahagi ng malaking halaga ng cash sa iisang lugar.
Ikatlo, isinama rin ng City Government ang mga rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) upang mapalakas ang dokumentasyon, transparency, at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
Inamin naman ng Tanggapan ng City Information na may mga hamon sa unang taon ng implementasyon, kabilang ang pagbubukas ng mga ATM account. Inaasahan nilang magiging mas mabilis at mas maayos na ang proseso sa mga susunod na taon.
Kapag naayos na ang sistema, inaasahang mababawasan na ang mahahabang pila, siksikan sa payout venues, at mga panganib na dulot ng pamamahagi ng malaking halaga ng cash. Mas magiging organisado rin at mas madaling ma-audit ang bawat transaksyon.
Samantala, patuloy ang panawagan ng mga magulang na mapabilis ang pagbubukas ng LANDBANK accounts upang hindi maantala ang pagkuha ng ₱3,000 Student Assistance ng kanilang mga anak.