Demolition order vs IP residents sa Impapay
Photo courtesy: FB/Edilberto Magpayo
Ni Rodolfo Idusora
Kamakailan, ipinag-utos ng Office of the City Mayor ang clearing at demolisyon sa umano’y iligal na istruktura sa loob ng Palawan Flora, Fauna and Watershed Reserve o PFFWR sa Sitio Impapay sa Barangay Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa.
Batay sa Memorandum Order No. 315, Series of 2026, inatasan ni City Mayor Lucilo R. Bayron ang City Engineer’s Office, City Engineering Demolition Team, City Anti-Squatting Program, at Public Order and Safety Office (POSO) na isagawa ang pagbabaklas ng mga kabahayan at iba pang istruktura sa lugar.
Nakasaad sa kautusan na ang demolisyon ay alinsunod sa Republic Act No. 7586 o National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act, gayundin sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Ayon sa dokumento, nagkaroon umano ng patuloy na pagkasira ng kagubatan at pagtatayo ng mga iligal na istruktura sa loob ng protected area. Dahil dito, ipinag-utos ang pagbaklas sa lahat ng iligal na istrukturang kabilang sa listahan ng mga naitalang okupante ng City Environment and Natural Resources Office (City ENRO).
Inatasan din ang mga kinauukulang opisyal na makipag-ugnayan sa pamahalaang barangay at sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) upang mapanatili ang kaayusan at seguridad habang isinasagawa ang operasyon.
Binigyang-diin sa memorandum na dapat sundin ang tamang proseso at umiiral na batas sa pagpapatupad ng demolisyon. Inaatasan din ang mga opisyal na magsumite ng ulat tungkol sa mga hakbang na kanilang isinagawa matapos ang operasyon.
Ang memorandum ay nilagdaan ni City Mayor Lucilo R. Bayron at ipinadala rin sa Chief of Police ng PPCPO at sa punong barangay ng apektadong lugar para sa kanilang impormasyon at kaukulang aksyon.
Samantala, sa nakatakdang demolition order noong nakalipas na Sabado, Hulyo 30, ipinagliban ang operasyon nang hilingin ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Palawan ang pag-uusap hinggil sa nasabing hakbang.