August 8, 2026

‘Agaran ang distribusyon kapag nakumpleto ang requirements’

0
1786161463475

Ni Rodolfo Idusora

Nilinaw ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa na hindi kailangang hintayin ng isang paaralan na makumpleto ang lahat ng sections bago maiproseso ang ₱3,000 Student Assistance Program (SAP) para sa mga kwalipikadong estudyante.

Ayon kay City Information Officer Atty. Glaiza Kaye Vicente Moncatar, kada section, aniya, ang pagsusumite at pagproseso ng mga dokumento. Kapag kumpleto na ang requirements ng isang section, maaari na itong isumite para sa beripikasyon at pagproseso ng educational assistance.

Ipinatutupad ang sistemang “first come, first served” alinsunod sa direktiba ni City Mayor Lucilo R. Bayron. Layunin nitong mapabilis ang paglalabas ng pondo upang hindi na maantala ang mga estudyanteng maaga nang nakapagsumite ng kumpletong requirements.

Sa oras na maaprubahan ang mga isinumiteng dokumento, agad na ihahanda ang paglalabas ng ₱3,000 educational assistance para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Batay sa datos ng Pamahalaang Panlungsod, may mga sections mula sa 22 pampublikong paaralan na kasalukuyan nang sumasailalim sa proseso ng beripikasyon at pagproseso ng kanilang student allowance.

Binigyang-diin ng city government na ang ganitong sistema ay ginawa upang hindi maantala ang mga estudyanteng nakatapos na sa kanilang requirements. Sa halip na hintayin ang buong paaralan, bawat section na kumpleto ang dokumento ay agad na isinasama sa proseso.

Patuloy ring hinihikayat ang mga paaralan na tiyaking kumpleto at tama ang mga isinusumiteng requirements upang maiwasan ang pagkaantala sa pagproseso ng educational assistance.

Samantala, pinayuhan ng Pamahalaang Panlungsod ang mga magulang, estudyante, at mga guro na umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo tungkol sa Student Assistance Program. Ayon sa city government, mahalagang iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon upang maiwasan ang kalituhan habang nagpapatuloy ang pagproseso ng ayuda para sa mga benepisyaryo.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *