Ninakaw na helmet, nabawi na
Photo courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Nabawi na ang helmet na iniulat na ninakaw sa Pablico Road 2, Kaakbayan, Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City, matapos ang follow-up operation ng Anti-Crime Task Force (ACTF) noong Agosto 4.
Ayon sa ulat, kumilos ang Team Pards sa direktiba ng kanilang opisyal upang hanapin ang mga taong may kaugnayan sa insidente. Dahil sa isinagawang follow-up, natunton ang mga sangkot at naibalik sa may-ari ang ninakaw na helmet.
Isinagawa rin ang pag-uusap sa Barangay Hall ng Tiniguiban kung saan nagharap ang biktimang si Mark, 30 taong gulang at residente ng barangay, at ang asawa ng suspek na si Erika. Dumalo rin si Pastor Renan na nagsilbing tagapamagitan. Ayon sa pastor, ninong siya sa kasal ng mag-asawa at tumulong upang hikayatin ang asawa ng suspek na makipag-usap sa biktima at sa barangay.
Sinabi ni Erika na wala siyang alam sa dahilan kung bakit umano ginawa ng kanyang asawa ang pagnanakaw. Aniya, hindi niya inaasahang mangyayari ito dahil may trabaho naman ang kanyang asawa. Tumanggi rin siyang magsabi kung saan matatagpuan ang suspek.
Samantala, sinabi ni Pastor Renan na hihikayatin niya ang suspek na si Jeffrey, residente ng Barangay Sta. Monica, na kusang humarap sa mga awtoridad at panagutan ang kanyang ginawa. Iginiit din niyang hindi niya kinukunsinti ang anumang uri ng pagnanakaw.
Sa kabila ng pagkakabawi ng helmet, sinabi ng biktima na magsasampa pa rin siya ng pormal na reklamo laban sa suspek. Ayon sa kanya, nais niyang mapanagot ang suspek at maiwasan itong makabiktima pa ng ibang tao.
Nagpasalamat din ang biktima sa ACTF personnel sa mabilis na aksyon na nagresulta sa pagkakabawi ng kanyang ninakaw na helmet.