Sinita nang manghipo sa multicab
Photo courtesy: Agatha Bay
Ni Rodolfo Idusora
Ikinuwento ng dalagang komyuter sa kaniyang Facebook account ang kaniyang personal na nasaksihan na hindi aniya kanais-nais na kilos ng isang matandang lalaki habang nakasakay sa isang pampublikong multicab sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa commuter, una niyang nakasabay ang matanda na nakaupo sa tapat niya. Nakipag-usap umano ito sa mga pasahero at nagtatanong tungkol sa kanilang pupuntahan, kabilang ang direksyon patungong City Hall.
Napansin umano niya na mahaba ang pakikipag-usap ng lalaki. Mula sa simpleng tanong, nauuwi ito sa iba’t ibang kuwento at karagdagang tanong sa mga pasahero.
Nang may bagong babaeng pasahero na sumakay at umupo sa tabi ng matanda, napansin umano ng nagbahagi ng karanasan na hinawakan ng lalaki ang babae. Agad umanong nagpakita ng pagkagulat at pagiging hindi komportable ang babae.
Nag-alok din umano ang lalaki ng bracelet sa babae at kalaunan ay nag-alok din sa nagbahagi ng post. Tumanggi naman ito at pinili na lamang na huwag siyang kausapin.
Nang mapansin ng babae ang sitwasyon, lumipat umano ito ng upuan at umupo sa tabi ng nagbahagi ng karanasan.
Pinayuhan din siya nitong mag-ingat.
Ayon pa sa commuter, sinabi rin umano ng driver na napansin na niya ang lalaki at nakita na rin umano nitong ginagawa ang katulad na kilos sa ibang pasahero.
Binigyang-diin ng nagbahagi na hindi niya layuning manghusga o manira ng tao. Aniya, ibinahagi lamang niya ang kanyang personal na nasaksihan upang maging babala sa ibang commuters.
Paalala niya, may karapatan ang bawat pasahero na tumanggi kapag may taong humahawak sa kanila nang walang pahintulot, lumalapit nang sobra, o nagdudulot ng hindi magandang pakiramdam.