Motorsiklo, na-overshoot sa sapa; drayber, patay
Ni Samuel Macmac
Natagpuang wala nang buhay ang isang lalaki matapos sumemplang ang minamanehong motorsiklo at mahulog sa sapa sa Brgy. Barotoan, El Nido, Palawan.
Bandang alas-7:53 ng umaga nitong Agosto 11, naiulat na nasawi ang biktima na kinilala sa alyas na “Ben”, residente ng El Nido at drayber ng isang MIO 125 motorcycle, ayon sa Palawan Provincial Police Office (PalPPO).
Batay sa ulat ng Kapitan ng nasabing barangay, natagpuan ang walang buhay na katawan sa ilog sa ilalim ng tulay sa kahabaan ng national highway. Agad na rumesponde ang El Nido Municipal Police Station (MPS) at nakumpirma ang insidente.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisyam mabilis umano ang pagpapatakbo ng motorsiklo ni Ben at nawalan siya ng kontrol sa kurbada ng kalsada. Dahil dito, sumemplang ang motorsiklo at tuluyang nahulog sa ilog sa ilalim ng tulay.
Sumaklolo sa insidente ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at agad na isinagawa ang retrieval operation. Dinala ang katawan ng biktima sa El Nido Community Hospital para sa pagsusuri at pormal na kumpirmasyon ng kanyang pagkamatay.
Samantala, humiling naman ang El Nido MPS ng post-mortem examination upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng naturang drayber.