Vice Mayors sa Palawan, nanindigan sa kanilang tungkulin
Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Rodolfo Idusora
Naging sentro ng 3rd Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) Palawan Chapter Meeting sa El Nido nitong Agosto 13 ang usapin sa mga pagbabago sa local legislation at ang DILG Legal Opinion No. 95 of 2025 na may kaugnayan sa tungkulin ng mga bise alkalde bilang presiding officer.
Tinalakay rin sa pulong ang paghahanda para sa National Electronic Legislation (E-Legis) Caravan, isang information at capacity-building program na naglalayong ipakilala ang electronic legislative system sa mga lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng E-Legis, inaasahang magiging mas mabilis at organisado ang paggawa, pag-iingat at pag-access sa mga ordinansa, resolusyon at iba pang dokumentong pambatas.
Bukod dito, pinag-usapan ng mga bise alkalde ang DILG Legal Opinion No. 95 of 2025 na naglalahad ng mga limitasyon at tungkulin ng vice mayor at vice governor bilang presiding officer ng Sangguniang Panlungsod, Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan.
Nagkasundo ang mga miyembro ng VMLP Palawan Chapter na panindigan ang kanilang mandato na nakasaad sa Local Government Code at humingi ng malinaw na interpretasyon sa usapin.
Nagbigay rin ng presentasyon si Puerto Princesa Vice Mayor Peter “Jimbo” Maristela tungkol sa legal opinion. Iginiit niya na kinakailangan ng aksyon upang malinaw na matukoy ang saklaw ng kanilang tungkulin bilang mga halal na opisyal.
Suportado naman ito ng mga miyembro ng VMLP Palawan Chapter. Inaasahan na muli silang makikipagpulong kay DILG Palawan Provincial Director Myla Panganiban upang humingi ng paglilinaw.
Nauna nang sinabi ni Rizal Vice Mayor Maria Gracia Macasaet-Zapanta na nananatiling legal opinion lamang ang naturang dokumento at wala pang inilalabas na kautusan ang DILG na nag-uutos na ito ay sundin.
Para sa mga bise alkalde, mahalagang magkaroon muna ng malinaw na posisyon mula sa DILG upang maging gabay sa kanilang mga susunod na hakbang.