Nilamon ng apoy; mga kagamitan naabo
Photos courtesy: BFP Puerto Princesa
Ni Rodolfo Idusora
Nawalan ng tirahan ang isang pamilya nang masunog ang kanilang bahay sa Bountiful Village, Libis Road sa Barangay San Pedro, sa lungsod ng Puerto Princesa, pasado alas-11:00 ng umaga nitong Agosto 15, taong kaslaukuyan.
Ayon sa may ari ng bahay, nasa paaralan siya kasama ang kanilang bunsong anak nang may magsabi sa kanila na may nakikitang usok mula sa direksyon ng kanilang bahay.
Dahil malapit lamang ang paaralan sa kanilang tahanan, agad silang nagtungo sa lugar upang tingnan ang nangyayari. Pagdating nila, nakita nilang nasusunog na ang kanilang bahay.
Hindi na nila nagawang mailabas ang karamihan sa kanilang mga gamit habang patuloy na kumakalat ang apoy. Halos lahat ng kanilang ari-arian ay natupok sa sunog, kabilang ang mga damit, personal na gamit, at iba pang kagamitan sa bahay.
Sa kabutihang palad, wala namang naiulat na nasaktan sa insidente. Gayunman, malaking bahagi ng kanilang mga gamit at tirahan ang naabo dahil sa sunog.
Sa ngayon, nangangailangan ng tulong ang pamilya para sa kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, damit at iba pang gamit na kailangan nila habang wala silang matirhan.
Umaasa ang pamilya sa tulong mula sa mga kaanak, kaibigan at iba pang maaaring makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Samantala, hinihintay ang karagdagang impormasyon mula sa mga awtoridad hinggil sa sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng pinsala. Patuloy naman ang paalala sa mga residente na maging maingat sa paggamit ng kuryente at iba pang maaaring pagmulan ng sunog, lalo na sa loob ng mga bahay.