August 17, 2026
FB_IMG_1786885150965

Ni Clea G. Cahayag

Madadagdagan na ang mga water asset at personnel ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Buliluyan Bataraza, Palawan, kasunod ng planong pagtatayo ng bagong Coast Guard Base sa lugar.

Ayon kay COMMO Jane J. Gesulgon, Acting Commander ng Coast Guard District Palawan (CGDPAL), malaki ang maitutulong nito sa pagpapaigting ng law enforcement operations sa Southern Palawan partikular sa pagsasawata sa pagpupuslit ng mga ilegal na produkto.

Aniya, mararamdaman na sa mga susunod na buwan ang pagdami ng PCG personnel sa katimugang bahagi ng lalawigan.

“Maybe this year or next year, itatayo na po ‘yung Coast Guard Base natin sa Buliluyan. May binigay po na pondo sa amin.

After which madadagdagan po lalo ang water asset natin doon, personnel and para po makatulong doon sa law enforcement sa South,” ang inihayag ni Gesulgon sa isinagawang Local Media Meet and Greet kamakailan.

Tiniyak din ng opisyal ang patuloy na pagpapatupad ng law enforcement operations ng PCG sa lalawigan na nagresulta sa 32 matagumpay na operasyon nitong buwan lamang ng Hulyo.

Kabilang dito ang pagkakasabat sa mga smuggled cigarettes at fuel, pagpupuslit ng forest product, ilegal na pangingisda at iba pang ilegal na aktibidad sa karagatan.

Inaasahan ding mapapabilis ang law enforcement operation sa pamamagitan ng bagong unit ng PCG na may kumpletong kapasidad mula intelligence gathering hanggang sa pagsasampa ng kaso.

“Mayroon pong bagong itinatag na unit ang Coastguard which [is] kumpleto na po ang ating pagkaconduct ng enforcement from intelligence gathering to prosecution. Tayo na po ang nagkakaso sa mga violations na ‘yan. Mapapabilis po ang mga law enforcement operation natin,” dagdag pa ng opisyal.

Binigyang-diin ni Gesulgon, nananatiling handa sa anumang pagresponde ang siyam (9) na Stations at 53 Sub-Stations ng CGDPAL sa Palawan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *