Karera sa gabi, naharang
Photo courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Patung-patong na paglabag sa Batas Trapiko ang naging dahilan nang tiketan ng mga rumespondeng tauhan ng Anti-Crime Task Force ang dalawang motorista nang maaktuhang nagpapaingay ng mga motorsiklo sa north national highway sa Barangay San Jose, Puerto Princesa City, madaling araw ng Agosto 13.
Ayon sa incident report, isinumbong sa 911 ang grupo ng mga motorista na umano’y nag-iingay at nagkakarera sa tapat ng isang establisimyento sa Barangay Tagburos.
Agad na nagtungo sa lugar ang tropa. Sa boundary ng Barangay Tagburos at Barangay San Jose, nasalubong nila ang grupo ng mga motorsiklo na kapansin-pansin ang ingay ng kanilang mga tambutso.
Nang mapansin umano ng mga motorista ang paparating na mobile ng ACTF, bigla silang nag-U-turn at mabilis na umalis.
Nagpatuloy naman sa pagroronda ang mga tauhan hanggang sa makakita sila ng dalawang motorista sa kanto ng Lomboy Street at San Jose National Highway.
Sinita ang mga ito dahil sa maingay na tambutso. Isinailalim sa decibel test ang kanilang mga motorsiklo at kapwa lumampas sa itinakdang antas ang nakuhang reading.
Ang isang motorsiklong Honda Click na kulay itim ay nakapagtala ng 106.0 decibels. Ayon sa report, naharap din ang rider sa mga paglabag na kawalan o hindi pagsusuot ng helmet, walang helmet ang back rider, muffler violation, umano’y nagmamaneho ng lasing at kawalan ng driver’s license.
Samantala, ang isang itim na Suzuki Smash 115 ay nakapagtala naman ng 105.1 decibels at sinita dahil sa muffler violation at kawalan ng driver’s license.
Agad na nag-isyu ng citation ticket ang mga tauhan ng ACTF sa dalawang motorista.
Patuloy naman ang pagpapatupad ng mga tauhan sa mga paglabag sa batas trapiko, partikular sa mga motorsiklong may sobrang ingay na tambutso.