Palawan ang may pinakamataas na ani ng palay sa 4B
Ni Clea G. Cahayag
Nakitaan ng pagtaas sa produksyon ng palay sa rehiyon ng MIMAROPA. Batay sa resulta ng dry season harvest, nagtala ang rehiyon ng 22,233 metrikong toneladang dagdag-ani sa unang semestre ng taon, mas mataas kung ikukumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Mula sa 519,936 metrikong tonelada noong 2025, umangat ang produksyon sa 542,169 metrikong tonelada ngayong 2026 o katumbas ng 4.28 porsiyentong pagtaas.
Nadagdagan din ang lawak ng mga naaaning palayan mula sa 131,809 ektarya, umabot ito sa 143,243 ektarya o karagdagang 11,434 ektarya.
Samantala, bahagyang bumaba ang average yield ng rehiyon mula 3.94 MT/ha noong 2025 tungo sa 3.78 MT/ha ngayong 2026 bunga ng nararanasang Habagat at mga bagyo.
Sa kabila nito, nananatiling positibo ang ahensya dahil sa paglawak ng mga sakahan na sinabayan ng patuloy na suporta at interbensyon para sa pagpapalayan.
Ayon sa DA MIMAROPA, pinakamalaki ang dagdag ani mula sa lalawigan ng Palawan na nag-ambag ng 19,421 metrikong tonelada, sinundan ng Occidental Mindoro na may 7,880 metrikong tonelada. Bahagya namang bumaba ang produksyon sa Oriental Mindoro at Marinduque.
Inaasahang madaragdagan pa ang kabuuang produksyon sa pagtatapos ng taon sa pagsasama ng ani mula sa wet season harvest at bumubuo ng malaking bahagi ng taunang produksyon ng palay sa bansa.
Sa inisyal na pagtataya ng Philippine Statistics Authority (PSA) inaasahang mas mataas ang produksyon sa wet season kumpara noong 2025 dahil sa pagtaas ng lawak ng mga sakahan.