Gumamit ng Marijuana sa loob ng paaralan
Photo courtesy: PS2
Ni Rodolfo Idusora
Inendorso na sa City Social Welfare and Development ang apat na estudyanteng binatilyo na nasangkot sa umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng isang paaralan sa Lungsod ng Puerto Princesa City noong hapon ng Martes, Agosto 11.
Kinumpirma ng Police Station 2 (PS2) ng City Police Office na nakatanggap sila ng ulat tungkol sa insidente.
Ayon sa paunang impormasyon, ang apat na sangkot ay mga estudyante na agad namang isinailalim ng pulisya sa tamang proseso alinsunod sa mga batas at patakaran para sa Children in Conflict with the Law (CICL).
Kasama ang kanilang mga magulang at kinatawan ng paaralan, nagtungo ang mga menor de edad sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) bago dinala sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng PS2 para sa kinakailangang dokumentasyon.
Matapos ang police procedures, agad silang inendorse sa City Social Welfare and Development (CSWD) Office para sa assessment, intervention at iba pang nararapat na hakbang.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PS2 upang malaman kung saan nagmula ang hinihinalang marijuana at kung sino ang maaaring may pananagutan sa insidente.
Hindi muna inilabas ng pulisya ang pangalan at iba pang personal na impormasyon ng apat na menor de edad bilang proteksyon sa kanilang karapatan at kapakanan.
Nanawagan din ang PS2 sa publiko na huwag magbahagi ng mga larawan o impormasyon na maaaring maglantad sa pagkakakilanlan ng mga batang sangkot.
Hinihikayat naman ang mga magulang, guro at mga opisyal ng barangay na maging mapagmatyag at agad ireport sa pulisya ang anumang impormasyon tungkol sa ilegal na droga.
Ayon sa PS2, mahalaga ang pagtutulungan ng pamilya, paaralan, komunidad at mga awtoridad upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa ilegal na droga at iba pang panganib.