Drainage project sa San Manuel, nakatulong sa pag-iwas sa pagtaas ng tubig
Photo Courtesy: CIO FB LIVE
Ni Clea Faye G. Cahayag
Personal na ininspeksyon ni Punong Lungsod Lucilo Bayron kasama ang mga City Engineer, ang mga isinasagawang drainage project sa Puerto Princesa.
Ayon kay Bayron, ipinaabot sa kanya ng mga engineer na noong araw ng Biyernes ay nakaranas ng malakas na pag-ulan sa Barangay San Manuel ngunit hindi tumaas ang tubig sa lugar.
Bagaman hindi pa ganap na natatapos ang drainage project, sinabi ng alkalde na nakatutulong na ito sa maayos na pagdaloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha.
“Kahapon, nu’ng Sunday kasama ko ang mga Engineers natin, ininspeksyon namin ang mga drainage projects natin. At ang information na nakuha ko tulad doon sa San Manuel sabi sa akin noong Friday malakas ang ulan talaga, napakalakas ang ulan pero hindi umangat ‘yung tubig doon,” ayon sa alkalde.
Aniya, indikasyon ito na maaaring naging epektibo ang estratehiya at disenyo na isinagawa ng mga engineer sa proyekto.
“Dahil ‘yung drainage system natin nagwowork na although hindi pa siya 100 percent complete, nakakatulong na. Nakakatuwa na mukhang tama ‘yung strategy, ‘yung design ng ating Engineers,” dagdag pa ng alkalde.
Binigyang-diin din ni Bayron ang kahalagahan ng kaligtasan ng mga motorista at biyahero, lalo na’t may mga culvert na inilalagay sa ilalim ng mga kalsada bilang bahagi ng drainage system.
Sa huli, pinuri ng alkalde ang mga engineer ng lungsod sa kanilang patuloy na pagsisikap upang matiyak na maayos, ligtas at episyente ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura para sa mga residente.
“Congrats sa ating mga Engineers na nagpupursige din talaga na magawa ng maayos ang mga projects natin”.