Inilunsad ng US Embassy at PCSD
Photo Courtesy: U. S Embassy to the Philippines
Ni Samuel Macmac
Sa tulong ng bagong Community IUU Fishing Reporting Center, pinaigting ng U.S Embassy sa Pilipinas at Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ang laban kontra illegal, unreported, at unregulated (IUU) fishing sa lalawigan.
Kasabay ng ika-80 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng U.S at Pilipinas, at ika-75 taon ng Mutual Defense Treaty, inilunsad ang programa sa Lungsod ng Puerto Princesa, ayon sa PCSDS.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng Fishing Right Project na suportado ng U.S Embassy, gamit ang teknolohiyang gaya ng Starlink at EarthRanger upang mapabilis ang koneksyon at maayos na proseso ng ulat mula sa mga komunidad.
Magsisilbi itong hub kung saan maaaring magsumite ang mga mangingisda ng real-time reports hinggil sa kahina-hinalang aktibidad ng mga bangka, IUU fishing, at iba pang ilegal na aktibidad sa dagat.
Ipapasa ang mga natanggap na ulat sa Breau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Maritime Center, at Pamahalaang Panlalawigan para sa beripikasyon at agarang aksyon.
Samantala, binigyang-diin ni U.S Embassy Officer Taylor Fincher, hindi lamang usaping pang-ekonomiya ang IUU fishing kundi banta rin sa pambansang seguridad dahil nakakaapekto ito sa suplay ng pagkain, merkado, at kabuhayan ng mga lehitimong mangingisda.