October 7, 2026

Viral na pananakit ng estudyante, ‘under investigation’

FB_IMG_1787147286857

Photo Courtesy: PIO Palawan

Ni Ferds Cuario
‎
‎Iniimbestigahan ngayon ng Police Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang insidente ng umano’y pananakit sa dalawang kabataang estudyante sa H. Mendoza Street, malapit sa isang establisyimento, dakong alas-12:30 ng tanghali nitong Agosto 17, 2026.
‎
‎Ayon sa opisyal na pahayag ng Police Station 1, agad na nagtungo sa himpilan ang dalawang biktima matapos ang insidente at inasistehan ng Women and Children Protection Desk (WCPD).
‎
‎Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at mga taong posibleng sangkot sa insidente.
‎
‎Kabilang sa mga isinasagawang hakbang ang pagkuha at pagsusuri ng CCTV footage, pakikipag-ugnayan sa establisyimento na malapit sa pinangyarihan, at koordinasyon sa school principal o mga kinauukulang school authorities ng mga estudyante.
‎
‎Nanawagan naman ang pulisya sa mga nakasaksi, nakapag-video, o may anumang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon na agad makipag-ugnayan sa Police Station 1.
‎
‎Kasabay nito, mariing hiniling ng mga awtoridad na huwag ipakalat o i-post sa social media ang anumang video o larawan ng insidente, lalo na’t mga menor de edad ang sangkot.
‎
‎Ayon sa pulisya, mahalagang maprotektahan ang privacy ng mga kabataan at maiwasang makompromiso ang isinasagawang imbestigasyon.
‎
‎Hinikayat din ang publiko na maging mapagmatyag at agad humingi ng police assistance kapag nakasaksi ng pananakit o anumang insidenteng nangangailangan ng agarang aksyon.
‎
‎Maaaring makipag-ugnayan sa Police Station 1 sa 0998-598-5906 o tumawag sa 911 para sa emergency.
‎

Author