Pinalalakas ang kahandaan ng senior citizens, vulnerable groups
Photo courtesy: VM Maristela
Ni Rodolfo Idusora
Tiniyak ni City Vice Mayor Peter “Jimbo” Maristela na patuloy na palalakasin ng City Government of Puerto Princesa ang mga hakbang para maprotektahan ang mga mamamayan, lalo na ang senior citizens, Persons with Disability (PWDs), at iba pang vulnerable groups, sa panahon ng kalamidad.
Ito ang binigyang-diin ni Maristela sa Training of Trainers na isinagawa nitong nakalipas na Martes, Agosto 18, sa Ponce de Leon Garden Resort sa Barangay San Pedro.
May temang “Building Resilient Communities: Inclusive Disaster Preparedness, Emergency Response, and Community Resilience for Older Persons and Vulnerable Groups,” layunin ng tatlong araw na pagsasanay na mapalakas ang kakayahan ng mga komunidad sa paghahanda at pagtugon sa mga emergency.
Ayon kay Maristela, nakahanda ang lungsod sa pamamagitan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang tumugon sa iba’t ibang uri ng kalamidad at emergency situations.
Itinampok din niya ang Comprehensive Household Information System, isang centralized platform ng CDRRMO na nangangalap ng household-level data sa buong Puerto Princesa.
Mahalaga umano ang sistemang ito dahil nagbibigay ito ng impormasyon tungkol sa mga pangangailangan ng senior citizens, PWDs at iba pang sektor na maaaring mangailangan ng karagdagang tulong kapag may kalamidad.
Sa pamamagitan ng tamang datos, mas madaling matukoy kung sino ang dapat unahin sa evacuation, rescue, relief operations at iba pang serbisyo ng pamahalaan.
Pinangunahan ang training ni Eva Ponce de Leon, Global President ng International Federation of Social Workers.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng Philippine Association of Social Workers, Department of Older Persons ng Thailand, Korea Association of Social Workers, ilang munisipyo sa Palawan, at mga barangay sa Puerto Princesa.
Layunin ng aktibidad na magkaroon ng mas organisado at inclusive na disaster preparedness at emergency response para sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan ng suporta.