City Market Code ng Puerto Princesa, iminungkahing amyendahan
Photo Courtesy: PPC Public Market
Ni Ulat ni Rodolfo Idusora
Isinusulong sa Sangguniang Panlungsod ang pagsusuri at posibleng pag-amyenda sa umiiral na City Market Code ng Puerto Princesa upang maiangkop ito sa kasalukuyang kalagayan at pangangailangan ng lungsod.
Tinalakay ang mga panukalang pagbabago sa isinagawang joint committee meeting at public hearing ng Committee on Market, Slaughterhouse and Other Economic Enterprise at Committee on Ways and Means..
Dumalo sa pagpupulong si City Councilor Gerry Abad, miyembro ng Committee on Market, Slaughterhouse and Other Economic Enterprise. Ang mga panukalang amendments ay inihain ni Councilor Victor S. Oliveros.
Ayon kay Abad, mahalagang repasuhin ang kasalukuyang Market Code upang matukoy kung alin sa mga probisyon nito ang kailangang baguhin o i-update.
Sinabi niyang dapat isaalang-alang sa pagbuo ng mga bagong probisyon ang kasalukuyang sitwasyon ng mga pamilihan, pati na rin ang pangangailangan ng mga market vendor, consumer at iba pang stakeholders.
Layunin din ng public hearing na makuha ang opinyon at suhestiyon ng mga apektadong sektor bago tuluyang isulong ang mga pagbabago sa ordinansa.
Para kay Abad, kailangang maging malinaw at angkop ang mga patakaran upang makatulong sa maayos na operasyon at pamamahala ng mga pamilihan sa lungsod.
“Panahon na upang repasuhin at amyendahan ang ating City Market Code upang makasabay ito sa pagbabago ng panahon at sa pangangailangan ng ating mga market vendors, consumers, at ng buong lungsod,” pahayag ni Abad.
Patuloy na tatalakayin ng mga komite ng Sangguniang Panlungsod ang mga panukalang amendments bago ito sumailalim sa mga susunod na proseso para sa posibleng pag-apruba.
Inaasahang magiging bahagi ng proseso ang karagdagang konsultasyon upang matiyak na ang mga pagbabago ay isinasaalang-alang ang interes ng mga vendor, mamimili at pamahalaang lungsod.