August 21, 2026
FB_IMG_1787282991104

Photo Courtesy:

Repetek News

Ni Ferds Cuario

Muling nabigyan ng pagkakataon ang teatro at lokal na sining na magningning sa Puerto Princesa City matapos itanghal ang dalawang makabuluhang dulang tumatalakay sa kultura, pagkakakilanlan, at buhay ng mga pamayanang Palaweño.

Itinanghal sa Palawan State University Amphitheater, nitong nakalipas na Agosto 17 at ika-18 ng buwan, taong kasalukuyan, ang dalawang short and sweet theatrical plays na bahagi ng pagdiriwang ng National History Month 2026 na may temang “Hinubog ng Bayan, Dinuyán ng Alon.”

‎Tampok sa programa ang “Ang Baruto-Baruto,” isang traditional stage play tungkol sa isang pamilyang mangingisda sa isang coastal community na humaharap sa kahirapan, karamdaman at mga panganib sa dagat habang kumakapit sa pag-asang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

‎Kasunod nito ang musical play na “Kiaruwa: A Life Force,” na naglahad naman ng kuwento ng isang kabataang mula sa komunidad ng Batak na nahaharap sa mahirap na pagpili; ang pagtanggap sa kanyang ancestral tradition bilang babaylan o ang pagtahak sa isang buhay na higit pa sa nakasanayang tradisyon.

‎Mahusay na binigyang-buhay ng mga cast ang dalawang kuwento, na sinabayan ng musika, sayaw, costume at makukulay na production design.

‎Kabilang sa mga gumanap sa “Ang Baruto-Baruto” sina Shaina Jhones Jones, Lorraine Jade Espia bilang Liway, Leigh Owey Jalandoon bilang Doday, Justen Nicole Amat bilang Magda, Micah Seranio bilang Pasing at Randy Vigonte Jr. bilang Ruding.

Sa “Kiaruwa: A Life Force” naman ay tampok sina Justine Vicente bilang Agu, Jade Gutierrez bilang Dayang, Alma Jean Labunos bilang Ina/Baba Duma, Vince Nover Bandibad bilang Kanang-kamay at Gisha Francine Sulayao bilang Diwatang Batungbayani.

‎Malaki rin ang naging ambag ng Banwa Dance and Arts sa pamumuno ni Raymond D. Delos Reyes bilang trainer at choreographer, gayundin ng Puerto Princesa City Choir sa pangunguna ni Mannie Andrada bilang trainer at conductor.

‎Sa likod ng pagtatanghal ay isang production team na pinangunahan nina Sanilyn Gianan bilang Technical Creative Consultant for Stage Performance; Demetrio Alvior Jr. at Andrew Manlawe bilang Production Consultants; at Santa Niña Arquisola bilang Production Manager.

‎Pinangunahan naman nina Kerwin Sagun ang Stage Production, Creatives, Props and Design; Jo Anne Kadusale at Jazzmin Espanto ang stage management; Japhet Malibiran ang technical at sound direction; Martchie Sumayang ang light design; at Jeric Bagalay at Hazel Mae Tacayan ang costume and make-up.

‎Ang promotional at marketing efforts ay isinagawa ng City Tourism Office-Promotion and Marketing Division, habang ang buong artistic direction ay nasa kamay ni Ralph Pulanco.

‎Ang proyekto ay hatid ng City Government of Puerto Princesa, City Tourism Culture and Arts Program katuwang ang Ilig Palaweño Creative Community at ang Palawan State University Communication Society mula sa College of Arts and Humanities.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *