Notorious na kawatan,sumuko sa pulisya
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act. Photo Courtesy: Kgd Jerald Gales
Ni Rodolfo Idusora
Muling nasangkot sa panibagong insidente ng pagnanakaw nang muling mahuli ng mga barangay tanod, kamakailan.
Kusang sumuko sa pulisya ang lalaking sinasabing sangkot sa sunud-sunod na insidente ng pagnanakaw sa Barangay San Miguel sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa impormasyon, bigla na lamang nagpakita ang suspek sa Police Station 1 (PS1) at nagpahayag na nais nitong sumuko sa mga awtoridad. Hindi na kinailangang magsagawa pa ng operasyon ang pulisya para sa kanyang pagkakadakip.
Bago ang pagsuko, nahuli umano ang suspek noong nakaraang linggo sa Barangay Bancao-Bancao ng mga barangay tanod.
Ilang araw lamang ang lumipas nang muli umano itong masangkot sa panibagong insidente, kabilang ang pag-atake sa Barangay San Miguel.
Sa ngayon, mayroon nang complainant na lumapit sa pulisya kaugnay ng insidente.
Inaasahang sasailalim ang suspek sa kaukulang legal na proseso at maaaring sampahan ng kaso batay sa reklamo at resulta ng imbestigasyon.
Patuloy namang kinokolekta ng pulisya ang mga impormasyon at ebidensiya upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.
Paalala ng mga awtoridad sa mga residente na agad i-report ang anumang insidente ng pananakit o kaguluhan sa kanilang lugar upang maagapan at maaksyunan ito.
Samantala, ang pagsuko ng suspek ay nagbibigay-daan sa pulisya na maisagawa ang kinakailangang imbestigasyon at iharap siya sa kaukulang proseso ng batas.
Hindi pa itinuturing na guilty ang suspek hanggang walang pinal na desisyon ang korte.