Juvenile otter, ligtas naibalik sa kagubatan
Photo Courtesy: MENRO ROXAS
Ni Samuel Macmac
Matagumpay na naibalik ang isang Juvenile Asian small-clawed otter sa kanyang natural na tirahan sa Barangay Malcampo, Roxas, Palawan, matapos itong masagip mula sa panganib sa daan.
Ang juvenile asian smalled-clawed otter o lokal na tinatawag na Dungon na nailigtas ay may tinatayang bigat na 200 gramo at habang 27 sentimetro. Kabilang ito sa mga Vulnerable species ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN).
Ayon sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) Roxas, nakipag-ugnayan ang mag-asawang Roel at Edna Labadia sa mga awtoridad matapos makita ang otter na nagtago sa ilalim ng motosiklo ni Roel habang siya ay nagmomotor.
Kuwento ng mag-asawa, nakita ni Roel ang naturang hayop na tila humihingi ng proteksyon mula sa mga asong naglipana sa paligid. Sa tulong ni G. Ed Agarap, Head ng Bantay Dagat/ Gubat, agad na naiparating ang insidente sa MENRO.
Kasunod nito, dinala ang otter sa Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) para sa pagsusuri.
Isinailalim ang naturang hayop sa masusing pagsusuri upang matukoy ang kondisyon nito, kung saan natuklasang nasa maayos itong kalagayan. Dahil dito, agad na ibinalik sa kalikasan upang makapamuhay nang ligtas.