October 2, 2026

Kailangan para sa pagbebenta ng produkto Ng Palawan

1787839368163

Ni Albert Villamor Jr.

Hinihikayat ngayon ni Board Member Angela V. Sabando na magkaroon ng isang “Provincial Local Products Digital Directory” sa Palawan.

Ito ay isang online-platform kung saan matatagpuan ang mga produkto ng Palawan na tutulong din sa mga negosyanteng Palaweno na mabenta ang kanilang mga produkto lalo na kung wala silang akses sa malawakang merkado.

Magiging isang instrumento raw ito sa pagpakikilala at pagtataguyod ng mga lokal na produkto at negosyo sa lalawigan ng Palawan, at visibility.

“Ang ating lalawigan ay tahanan ng maraming magsasaka, mangingisda, Indigenous Cultural Minorities, kooperatiba, Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs), home-based entrepreneurs, artisans, at iba pang lokal na prodyuser na lumilikha ng iba’t ibang produkto,” ayon kay Sabando.

Isa sa mga sosolusyunan ng “Provincial Local Products Digital Directory” ay ang “maraming lokal na prodyuser at maliliit na negosyo ang nahaharap sa hamon ng limitadong market access at kakulangan ng sapat na pagkakataon upang maipakilala ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado”.

Maglalaman ang directory ng pangalan ng produkto, paglalarawan, lugar na pinagmulan, impormasyon tungkol sa producer o negosyo, at iba pang mahalagang detalye na boluntaryong ibibigay para sa layunin ng promosyon at market linkage.

Ipinaabot niya ang kahilingang ito kay Gob. Amy R. Alvarez sa pamamagitan ng isang resolusyon na inapruba sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan. Hinihiling niya rin si Gob. Alvarez na magtatag ng isang grupo o taskforce na tututok sa pagpapatupad ng panukalang directory.

Author