3 dating QTP areas, kinuha na ng Paleco
Photo Courtesy: Repetek
Ni Ferds Cuario
Hindi na PSPI kundi Palawan Electric Cooperative (PALECO) na ang may responsibilidad sa suplay at pamamahagi ng kuryente sa tatlong dating Qualified Third Party (QTP) areas sa Palawan.
Simula Agosto 22, pormal nang kinuha ng PALECO ang operasyon sa Barangay Candawaga sa Rizal, Barangay Port Barton sa San Vicente, at Barangay Liminangcong sa Taytay, matapos kanselahin ng National Power Corporation (NPC) ang QTP Service Contract ng PowerSource Philippines, Inc. (PSPI).
Agad naghanda ang PALECO para sa transition upang matiyak na hindi maaantala ang serbisyo sa mga komunidad na umaasa sa kuryente.
Ayon kay PALECO General Manager Engr. Rez L. Contrivida, nakipag-ugnayan na ang kooperatiba sa mga lokal na pamahalaan ng Rizal, San Vicente at Taytay upang maisaayos ang mga kinakailangang hakbang sa pagkuha ng operasyon.
Magsasagawa rin ng orientation para sa mga residente upang ipaliwanag ang mga bagong sistema at proseso sa ilalim ng PALECO.
CANDAWAGA: DIRETSO SA PALECO SYSTEM
Sa Candawaga, Rizal, hindi na kailangan ng panibagong distribution line dahil mayroon nang mga poste ng kuryente patungo sa barangay.
Ikokonekta na lamang ang mga ito sa mga linya ng PALECO mula sa mga kalapit na barangay na pinapailawan sa tulong ng planta ng NPC.
Dahil dito, magiging kapareho ng kasalukuyang power rate sa Punta Baja at Iraan ang rate na ipatutupad sa Candawaga.
PORT BARTON: MAIN GRID NA
Sa Port Barton, San Vicente, mas maaga nang naghanda ang PALECO.
Noong Mayo 2026, isinagawa na ang testing and commissioning ng linya patungo sa barangay bilang paghahanda sa pagkuha ng operasyon mula sa PSPI.
Sa ilalim ng bagong setup, ikokonekta ang Port Barton sa Palawan Main Grid, habang ang suplay ay manggagaling sa mga Independent Power Producers (IPPs) ng PALECO, kabilang ang Delta P, Inc. at DMCI Power Corporation.
Ang power rate dito ay magiging kapareho ng umiiral na rate sa Puerto Princesa at sa mga munisipyo ng Roxas, Taytay, Dumaran mainland, Aborlan, Narra, Brooke’s Point, Sofronio Española at Bataraza.
LIMINANGCONG: GENERATOR MUNA
Pinakamahirap ang sitwasyon sa Liminangcong, Taytay dahil malayo ito sa pinakamalapit na poste ng kuryente na maaaring pagkunan ng koneksyon sa PALECO distribution system.
Kaya generator muna ang agarang solusyon.
Nakipagkasundo ang PALECO sa DMCI Power Corporation sa ilalim ng Emergency Power Supply Agreement (EPSA) upang makapag-deploy ng generating units para sa pansamantalang suplay ng kuryente sa barangay.
Pero hindi nangangahulugan na mawawala ang subsidy sa mga residente.
Mananatiling Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) ang sisingilin dahil kwalipikado ang Liminangcong sa subsidy para sa generation cost ng kuryente.
Batay sa DOE Advisory noong Agosto 18, 2025, ang mga lugar na iisa lamang ang power provider ay maaaring maging kwalipikado sa Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) subsidy.
PANGMATAGALANG SOLUSYON, ISUSULONG
Hindi permanente ang EPSA sa Liminangcong.
Ayon kay Contrivida, maghahain ang PALECO sa Energy Regulatory Commission (ERC) ng pangmatagalang Power Supply Agreement (PSA) na may subsidy.
Layunin nitong magkaroon ng mas matatag at sustainable na suplay ng kuryente ang barangay.
Dahil mas mababa sa 1 megawatt ang kinakailangang power supply ng Liminangcong, sinabi ng PALECO na kwalipikado itong ma-exempt sa Competitive Selection Process (CSP), alinsunod sa mga kaugnay na Department of Energy issuances.
“TULOY ANG SERBISYO”
Magkakaiba man ang solusyon sa tatlong barangay, malinaw ang paninindigan ng PALECO: hindi dapat maputol ang serbisyo ng kuryente.
“Ang pagkuha sa mga dating QTP areas ay hindi lamang usapin ng pag-aako ng operasyon. Higit dito, ito ay pagpapatuloy ng mandato na dalhin ang serbisyo ng kuryente sa mga komunidad, gaano man kalayo at gaano man kahirap,” ani Contrivida.