September 2, 2026
FB_IMG_1788268622449

Photo Courtesy: Repetek

Ni Clea G. Cahayag

Nakatakdang ipatawag ni Congressman Atty. Gil Acosta Jr., sa kongreso ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) upang talakayin ang umano’y pagpapahinto sa isinasagawang hanging bridge sa Barangay Inagawan Sub, lungsod ng Puerto Princesa.

“But in the coming days pagkatapos nitong budget season, magpapatawag tayo ng isang pagdinig. Ano ba talaga? Kasi may bagong panukala ngayon sa Senate na lahat ng government lands pupwede na i-occupy ng tao as long as hindi sila professional squatting,” ani Acosta nang kapanayamin ng lokal midya.

Naniniwala si Acosta na hindi maituturing na professional squatters ang mga residente dahil mayroon silang mga taniman ng gulay na nakatutulong sa lokal na ekonomiya ng Puerto Princesa.

Matatandaan, binisita ng Kongresista ang lugar noong buwan ng Hulyo kung saan personal niyang nakita ang kalagayan ng mga residente sa lugar na araw-araw tumatawid ng ilog partikular ang mga kabataan para lamang makapasok sa eskuwelahan.

Dahil na rin sa panawagan na magkaroon ng maayos at ligtas na tawiran ang mga residente, nagpaabot ng tulong si Acosta para sa proyektong tulay.

“Kung ako ‘yung hiningan ng tulong, ako ‘yung lider, kaya ko bang tiisin na alam ko, at nakita ko na ‘yung mga bata hindi pupwedeng pumasok. I have to do everything within my power na tumulong sa kanila,” pahayag ng kongresista.

Samantala, ang konstruksyon ay naantala matapos maglabas ng Cease and Desist Order ang BuCor na umano’y nag-uutos na ihinto ang proyekto.

Ayon sa opisyal, hindi lamang usapin sa lupa ang dapat tingnan kundi higit sa lahat ang kinabukasan ng mga batang apektado ng sitwasyon.

“Ako ang pakiramdam ko ang mga taga-
BuCor may puso naman basta tamang pag-uusap lang. Lahat naman nadadaan sa matinong usapan.

Pero ipatawag na natin kasi alam mo ngayon budget season, it is the time the national [agencies] pumupunta sa Congress,” dagdag pa ni Acosta.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *